Dating pangulo ng Maldives sugatan sa tangkang asasinasyon
MALE, Maldives (AFP) – Sumailalim sa dagdag pang operasyon ngayong Biyernes, ang dating pangulo ng Maldives at kasalukuyang parliamentary speaker na si Mohamed Nasheed, kasunod ng tangkang asasinasyon subalit sinasabing stable na ang kondisyon nito.
Si Nasheed ay malubhang nasaktan nang sumabog ang isang device na nakakabit sa isang motorsiklo, habang papasakay sya sa kaniyang sasakyan nitong Huwebes.
Ayon sa pribadong ospital ng ADK, ang 53-anyos ay nangangailangan ng dagdag pang operasyon kasunod ng masusing assessment ng kaniyang kondisyon.
Umaasa ang mga kinauukulan na makaka-recover si Nasheed, laluna at responsibe naman ito at nakipag-usap pa sa mga doktor nang siya ay dalhin sa pagamutan. Isa sa kaniyang bodyguards ay dinala rin sa ospital.
Ayon kay President Ibrahim Mohamed Solih, malapit na ka-alyado ni Nasheed, magkakaroon na ng imbestigasyon, habang tinuligsa naman ng mga opisyal ang nangyaring pag-atake sa itinuturing na “second most powerful figure” sa Maldives.
Wala pang umaangkin ng responsibilidad sa bomb attack na nangyari nitong Huwebes, subalit hinala ng mga opisyal na malapit sa Maldivian Democratic Party (MDP) na kinabibilangan ni Nasheed, mga taong tutol sa kaniyang anti-corruption drive ang nasa likod nito.
Ayon sa isang MDP source . . . “There are some dormant Islamists who could have collaborated with political elements threatened by Nasheed’s anti-corruption drive.”
Noong isang taon ay inako ng Islamic State ang isang boat arson attack, subalit napaka kaunti ng ebidensya na may presensya ang grupo sa Maldives.
Si Nasheed ang naging kauna-unahang democratically elected leader noong 2008, sa unang multi-party elections makalipas ang 30 taon ng autocratic rule.
@ agence france-presse