Dating Pangulong Aquino at Mar Roxas, idinawit na rin ni Alyas Bikoy sa illegal drug trade
DKinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy rin ang taong lumapit sa kaniya noong December 12, 2016 at nagbigay ng mga dokumento hinggil sa pagkakasangkot ng mga opisyal ng gobyerno sa illegal drug trade.
Ayon kay Sotto, si Bikoy ay personal na pinuntahan ng kaniyang political officer na si Hutch Altavaz sa New Bilibid Prison (NBP) noong 2016 kung saan nagsumite ito ng kaniyang sinumpaang salaysay.
Humingi umano ito ng tulong sa kanya noon para maimbestigahan ang mga miyembro ng Quadrangle Syndicate na sangkot sa smuggling ng shabu.
Sa salaysay aniya nito noong 2016, idinawit nito sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Justice Secretary Leila de Lima, Mar Roxas at iba pang opisyal ng gobyerno bilang mga patron at patriach sa kinabibilangang drug syndicate.
Pero sa May 2019 video series nito na may titulong “Ang totong Narcolists”, iniba lang nito ang mga pangalan ng mga umano’y pinuno ng sindikato kung saan idinawit na si Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Iniba aniya ang script at iniba ang personalidad pero lumilitaw na halos pareho rin ang mga detalye nito sa natatanggap nilang alegasyon mula kay Bikoy noong 2016.
Lumapit aniya ito para hilingin na maging testigo sa kasagsagsan noon ng pagdinig ng Kamara sa kasong illegal drug trade na kinasasangkutan ni De Lima.
Gayunman, hindi niya raw pinatulan ang hirit nitong imbestigasyon noon dahil sa kanilang sariling pag-iimbestiga ay hindi nag-e -exists ang mga ibinigay nitong bank accounts at iba pang dokumento.
Hindi aniya credible witness si Advincula at hindi papasa bilang isang whisteblower o testigo.
Hinala ni Sotto, nais lang nitong sirain ang imahe ng mga nakaupo sa Administrasyon dahil magdaraos ng eleksyon sa Lunes.
Ulat ni Meanne Corvera