Dating Pangulong Aquino, dating Budget Secretary Abad at dating Health secretary Garin, inirekomendang makasuhan ng Senado dahil sa Dengvaxia mess

Inilabas na ng Senate Blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon ang 20- pahinang committee report kaugnay ng ginawang imbestigasyon sa umanoy anomalya sa pagbili ng Anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay Gordon, napatunayan sa imbestigasyon ng Senado na nagsabwatan ang mga dating opisyal ng gobyerno para mapabilis ang pagbili ng bakuna.

Kabilang na rito sina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janet Garin.

Kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt practices act, at paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical standards for Public official ang mga kasong inirekomenda ng Blue ribbon committee laban sa mga dating opisyal.

Minadali aniya ang pagbili ng 3.5 bilyong pisong halaga ng bakuna na itinaon bago ang may 2016 elections.

Labag aniya sa batas ang pagbili ng bakuna dahil hindi idinaan ang pondo sa  Kongreso.

Tinawag pa ni Gordon na manhid at walang malasakit si dating pangulong Aquino dahil inilagay sa peligro ang ang buhay at hindi umano nito inisip ang kaligtasan ng mga kabataang bibigyan o tinurukan ng bakuna.

Bukod kina Aquino, Abad at Garin, kasamang inirekomenda ng Senado na makasuhan sina Dr. Julius Lecciones, Dr. Kenneth Hartigan- Go, Dr. Lourdes Santiago, Dr. Melody Zamueio, Dr. Joyce Ducusin at Dr. Mario Bawuilod ng Philippine Childrens medical center.

Perjury naman ang inirekomendang kaso laban kay Dr. Lyndon Lee Suy, head ng Immunization program ng DOH dahil sa pagbibigay ng maling testimonya sa Senado.

Hinimok naman ng komite ang gobyerno na ipursige ang pagsasampa ng Civil case at Anti-graft laban sa kumpanyang Sanofi Pasteur.

Samantala, inabswelto naman ng komite si dating Health secretary Paulyn Ubial dahil hindi raw ito kasama sa nagplano at napilitan lang na ipatupad ang programa dahil sa matinding pressure.

Ipaiikot na ang committee report para palagdaan sa mga senador para matalakay sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo.

 

Ulat ni Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *