Dating pangulong Duterte ipatatawag ng senado sa sandaling simulan na ang imbestigasyon sa drug war
Ipatatawag ng senado si dating pangulong Rodrigo Duterte, oras na simulan na ang imbestigasyon sa isyu ng war on drugs sa panahon ng kaniyang administrasyon.
Courtesy: net25
Ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kahit naka-break ang sesyon ay magsasagawa sila ng moto propio investigation sa mga alegasyon ni dating PCSO General Manager Royina Garma, lalo na ang umano’y usapin sa pagbibigay ng reward sa sinumang pulis na makapapatay sa mga umano’y drug lords at drug addict.
Courtesy: PNA (file photo)
Sinabi ni Dela Rosa na hindi pa niya personal na nakakausap ang dating pangulo, pero mas malaki ang posibilidad na haharap ito sa senado kung ang mga senador ang mag-iimbestiga.
Paglilinaw ng senador, magkaroon man ng parallel investigation sa senado ay hindi nangangahulugan na kinokonyra nito ang imbestigasyon ng QUAD Committee ng kamara.
Ayon kay Dela Rosa, “Ipatatawag natin siya pati kung sinu-sino ang mga cabinet member niya noon na puwede maging resource persons. Malaki ang posibilidad na mag-attend siya kung kami ang mag-imbestiga. Mas komportable siya rito sa senado kaysa lower house.”
Wala namang impormasyon si Dela Rosa sa mga alegasyong nagamit ng Duterte administration ang intelligence fund bilang reward sa mga pulis, sa kaniyang termino noong siya pa ang pinuno ng Philippine National Police.
Sinabi ng senador, na ginamit nila ang intel funds sa intelligence operations. May bahagi aniya rito na ginagamit nilang reward sa mga nagbigay ng impormasyon laban sa mga wanted sa batas at may patong sa ulo, gaya ng mga teroristang Abu Sayaff, pero sa ilalim ito ng programa na inaprubahan ng Department of Interior and Local Government, at hindi para sa war on drugs.
Aniya, “Ang intel funds naman talaga ay may kaukulang gamit, may sinusunod tayo dyan na programa. Directorate for Intelligence, sila ang nag-program diyan kung paano gamitin ang intel funds.”
Meanne Corvera