Dating Pangulong Noynoy Aquino, inilibing na, ginawaran ng full military honors
Inilibing na sa Manila Memorial Park sa Parañaque city kahapon, June 26 si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ang kaniyang mga labi ay inilibing sa tabi ng puntod ng kaniyang mga magulang na sina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon Aquino.
Ginawaran ng full military honors at 21-gun salute ang dating Pangulo bilang pagpupugay sa naging pamumuno nito bilang ika-15 Presidente ng Republika ng Pilipinas.
Ang panganay na kapatid ni Aquino na si Ballsy Aquino Cruz ang tumanggap ng tinuping watawat ng Pilipinas mula kay AFP chief of staff General Cirilito Sobejana.
Napuno ng mga dilaw na bulaklak ang kalsadang dinaanan ng abo ni Aquino at may mga dilaw na ribbon na itinali sa mga puno sa lugar.
Pumanaw ang dating Pangulo noong June 24 sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes.