Dating presidente ng rural bank sa Davao, hinatulang guilty ng korte sa paglabag sa banking laws
Pinatawan ng hukuman ng parusang pagkakakulong ng isang taon ang dating presidente ng isang rural bank sa Davao dahil sa dummy o fictitious loan accounts
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), hinatulang guilty ng Municipal Circuit Trial Court ng Carmen-Sto. Tomas-Braulio E. Dujali sa Davao del Norte ang dating presidente ng sarado ng Rural Bank of Sto. Tomas (Davao), Inc. na si Rosele R. Solis.
Partikular na nilabag ng akusado ang Section 35 ng Republic Act (RA) No. 7653 o ang New Central Bank Law o ang pagsisinungaling sa Monetary Board at BSP examiners.
Ang kaso laban kay Solis ay inihain ng BSP dahil sa pagtala nito ng ilang peke o dummy loan accounts sa financial statement ng bangko noong 2012 na isinumite sa BSP.
Umamin ang akusado sa pagkakasala at sinentensyahan ng parusang one-year imprisonment.
Moira Encina