Dating SC Justice Carpio at dating DFA Sec. Del Rosario, binanatan ni PRRD sa isyu ng West Phil. Sea
Hindi napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang galit kina dating Supreme Court Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Sa kanyang weekly Talk to the People, personal na binanatan ng Pangulo ang dalawa kaugnay sa kanilang patuloy na pagtuligsa sa Administrasyon dahil sa presensiya ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sinabi ng Pangulo na kasalanan ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kung saan kabahagi sina Carpio at del Rosario kaya nawala ang ilang teritoryo ng bansa sa WPS dahil sa kapabayaan at pagiging duwag.
Ayon sa Pangulo dinatnan na niya ang problema ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Iginiit ng Pangulo na hindi niya ipinangako sa sambayanang Filipino na babawiin niya ang mga nawalang teritoryo sa West Philippine Sea noong panahon ng kampanya nang siya ay kumandidatong Presidente noong 2016.
Inihayag ng Pangulo na hindi niya isusubo sa giyera ang bansa bagkus idadaan pa rin sa diplomatikong proseso ang sigalot sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Vic Somintac