Dating Sen. Madrigal at Laguna Congresswoman Lenlen Alonte, nasa likod ng tangkang panunuhol sa mga Bilibid inmates ayon kay Sec. Aguirre
Pinangalanan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang mga nasa likod ng tangkang panunuhol sa mga high-profile inmates ng Bilibid para bumaligtad sa testimonya nila laban kay Senador Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, ang mga ito ay sina dating Senador Jamby Madrigal at dating Biñan City Mayor at ngayo’y Laguna Congresswoman Lenlen Alonte-Naguiat.
Inihayag pa ni Aguirre na ang kamag-anak ni Madrigal ang nag-refer kay Alonte at ang kongresista mismo ang tumawag sa AFP detention facility para kausapin ang mga inmate.
Naka-loudspeaker pa anya si Alonte-Naguiat kaya maraming nakarinig at nakasaksi.
Sinabi pa ng kalihim na tinukoy na niya sina Madrigal at Alonte dahil kinuhanan na ng NBI ng salaysay ang mga inmate na sina Herbert Colanggo, Rodolfo Magleo at Engelberto Durano kaugnay sa nangyaring pag-alok sa kanila ng 100 million pesos nina Madrigal at Alonte.
Nakatakda ring kunan ng salaysay ng NBI ang iba pang inmates na tinangkang ring suhulan pabor kay De Lima.
Idinawit din ni Aguirre ang dating Chief Legal Office Head ng BUCOR na si Alvin Herrera Lim na mismong nag-alok kay Colanggo.
Si Lim ang gumawa ng confidential memo na pinayagan ni Aguirre ang special treatment ng mga inmate na tumestigo laban kay de Lima sa AFP Custodial Center.
Kaugnay nito sinabi ni Aguirre na magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa mga nasabing personalidad.
Ulat ni : Moira Encina