Dating Senador Antonio Trillanes IV at 10 iba pa sinampahan ng kaso ng DOJ sa Korte kaugnay sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte
Kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) sa hukuman si dating Senador Antonio Trillanes IV, Peter Joemel Advincula alyas Bikoy at siyam na iba pa na idinadawit sa planong pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Sa 57 pahinang resolusyon ng DOJ Panel of Prosecutors, nakitaan ng probable cause para sampahan ng kasong Conspiracy to Commit Sedition sina Trillanes.
Kasama sa asunto ang mga paring katoliko na sina Albert Alejo, at Flaviano Villanueva.
Gayundin sina Yolanda Ong, Vicente Romano III, Joel Saracho, Boom Enriquez, Jonnel Sangalang, dating PNP Anti-Illegal Drugs group OIC Eduardo Acierto at isang alyas Monique.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng PNP-CIDG kaugnay sa tinaguriang Project Sodoma at Ang Totoong Narcolist videos na nag-aakusa sa Pangulo at sa pamilya nito na dawit sa iligal na droga.
Binigyang bigat ng DOJ panel ang mga ebidensya na nagpapatunay na mayroong grand conspiracy sa mga respondents para lumikha ng pagkagalit o paghiganti laban sa pangulo at sa pamilya nito na layuning pabagsaking ang kasalukuyang administrasyon.
Isa sa mga ebidensya na tinukoy ng DOJ ay ang online publication ng Bikoy videos.
Nabatid ng DOJ na ginawa ang video nina Advincula kung saan si Saracho ang narrator, videographer si Enriquez, assistant si alyas Monique at scripwriters sina Ong at Romano.
Napag-alaman pa ng panel na si Alejo ang naghanda sa Jescom o Communication center sa Ateneo kung saan kinuhanan ang Bikoy videos.
Ibinasura naman ng panel ang mga kaso laban kay Vice-President Leni Robredo at iba pang miyembro ng oposisyon.
Ulat ni Moira Encina