Dating Senador Bongbong Marcos, isiniwalat ang ilang ebidensya ng dayaan sa 2016 elections na pabor kay VP Leni Robredo
Isiniwalat ni dating Senador Bongbong Marcos ang ilang ebidensya na sinasabing magpapatunay ng malawakang dayaan sa 2016 elections na pabor kay Vice-President Leni Robredo.
Ipinrisinta ni Marcos ang kopya ng printed ballot images mula sa Camarines Sur at Negros Oriental na dalawa sa pilot provinces sa kaniyang poll protest kung saan sa halip na oval ang makikita sa tabi ng pangalan ng mga kandidato, ito ay square o parisukat.
Nadiskubre rin ng kampo ni Marcos na ang boto para sa kaniya ay hindi binilang at ikinunsidera bilang undervotes.
Bukod dito, sa ibang ballot images aniya na kanilang sinuri kung saan dalawa o higit pang kandidato ang nilagyan ng shade sa square sa pagka- bise presidente, ay napunta pa rin ang boto kay Robredo sa halip na ikunsidera bilang overvotes.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez, lumalabas na 3, 919, 337 ang undervotes ng kanyang kliyente at 288,743 sa mga ito ay sa tatlong pilot provinces ng Negros Oriental, Iloilo at Camarines Sur.
Sinabi pa ni Marcos na naglabas ang Comelec ng resolusyon noong May 3, 2016 na lumilikha ng 8 regional hubs nang hindi ipinapaalam sa kaninong kandidato o political party.
Sa naturang regional hubs aniya, dinala ang mga pumalyang SD cards sa halip na dalhin ito sa Comelec warehouse sa Sta. Rosa Laguna.
Kumbinsido si Marcos na dito nangyari ang pandaraya para paboran si Robredo.
Kaugnay nito tahasang inakusahan ni Marcos ang Comelec at Smartmatic ng pakikipagsabwatan sa kampo ni Robredo para madaya ang eleksyon.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===