Dating Senador Bongbong Marcos, pinag-iinhibit si Justice Benjamin Caguioa sa Election protest niya laban kay VP Robredo
Naghain ng mosyon sa Korte Suprema si dating Senador Bongbong Marcos para hilingin na mag-inhibit si Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa paghawak sa kanyang electoral protest case laban kay Vice- President Leni Robredo.
Si Caguioa ang ponente sa poll protest ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal kaya ito ang nangangasiwa sa itinatakbo ng kaso.
Sa kanyang 13-pahinang Extremely Urgent Motion to Inhibit, tinukoy ni Marcos ang pagiging malapit ni Caguioa at ng misis nito na si Pier Angela o Gel kina dating Pangulong Noynoy Aquino at Robredo.
Ayon kay Marcos, nadiskubre niya lang kamakailan na hindi lamang anti-Marcos advocate si Mrs Caguioa kundi masugid pang tagasuporta ni Robredo.
Inihayag ni Marcos na aktibo pang ikinampanya ni Gel Caguioa noong 2016 elections si Robredo.
Sinabi ni Marcos na nagpasya siyang ihain ang Motion to Inhibit matapos mabasa ang online messages ni Ginang Caguioa sa Viber group nito na kumalat sa social media.
Malinaw anya sa mga Viber messages ang pagkamuhi sa kanya at sa pamilya Marcos ni Mrs Caguioa.
Iginiit ni Marcos na dahil sa malinaw na bias ni Justice Caguioa at ng misis nito sa kanya ay wala siyang magagawa kundi maghain ng mosyon para bitiwan ni Caguioa ang electoral protest.
Binigyang-diin ni Marcos na ang patuloy na partisipasyon ni Caguioa bilang ponente ng kaso ay paglabag sa kanyang right to due process.
Ulat ni Moira Encina