Dating Senador Bongbong Marcos, pinapag-inhibit si Justice Marvic Leonen sa kanyang Electoral protest
Personal na nagtungo sa Korte Suprema si dating Senador Bongbong Marcos para hilingin na mag-inhibit si Justice Marvic Leonen sa kanyang Electoral protest.
Si Leonen ang ponento o member-in-charge sa Poll protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa kanyang Extremely Urgent Omnibus Motion, iginiit ni Marcos na hindi magiging patas si Leonen sa kanyang election protest.
Binanggit ng dating Senador ang dissenting opinion ni Leonen sa burial case ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung saan makikita raw kung gaano nito kinamumuhian ang buong pamilya Marcos.
Binigyang- diin ni Marcos na na-prejudged na ni Leonen at dini-delay ang kaso.
Wala rin anyang ginawa si Leonen sa election protest case sa nakalipas na halos isang taon.
Kaya kung mananatili anya na ponente si Leonen ay patuloy na uupuan ng mahistrado ang kaso hanggang sa maging moot and academic na ito dahil sa 2022 elections.
Kaugnay, hiniling din ni Marcos sa PET na muling i-raffle ang kanyang protesta at agad na resolbahin ang mga pending incidents sa kaso.
Moira Encina