Dating Senador Jinggoy Estrada, nagdeklarang muling tatakbo sa Senatorial race sa 2022 elections
Inanunsyo na rin ni dating Senador Jinggoy Estrada ang kaniyang muling pagsabak sa Senatorial race sa eleksyon sa Mayo sa ilalim ng kanilang partido na Puwersa ng Masa.
Ang anunsyo ay ginawa ni Estrada sa pamamagitan ng kaniyang social media account.
Ayon kay Estrada, nais niyang ipagpatuloy ang pagbalangkas ng mga batas na makatutulong sa masang Filipino lalo na sa mga magsasaka.
Sinabi ni Estrada na binigyan siya ng pahintulot ng kaniyang mga magulang na sina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Senador Loi Estrada na muling sumabak kahit nabigo noong 2019 Senatorial elections.
Sa tanong kung bukas ba siya na makasama sa tiket ang kaniyang kapatid na si dating Senador JV Ejercito, ayon kay Jinggoy handa niyang pirmahan ang Certificate of Nomination and Acceptance (CoNA) nito.
Bilang nakatatandang kapatid, nais rin niyang manalo sa eleksyon pero ang kaniyang pakiusap, sana ay wala nang batikusan sa halip ay tumutok na lang sila sa kanilang mga plataporma.
Sina Estrada at Ejercito ay kapuwa kumandidato noong 2019 elections pero parehong natalo.
Meanne Corvera