Dating Senador Juan Ponce Enrile, inimbitahan ni Pangulong Duterte na magpaliwanag sa isyu ng West Philippine Sea
Inimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senador Juan Ponce Enrile para magpaliwanag sa publiko hinggil sa isyu ng mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi ng Pangulo na dapat mapakinggan ng taongbayan ang nalalaman ni Senador Enrile sa usapin sa West Philippine Sea na pinag-aagawan ng Pilipinas at China kasama ang Vietnam, Malaysia Brunie at Taiwan.
Ayon sa Pangulo maraming alam si Enrile dahil sa simula pa lamang ng diskusyon sa isyu ng West Philippine Sea ay nasubaybayan na ng dating Senador.
Nauna rito iginiit ng Pangulo na hindi aatras ang mga barko ng Pilipinas sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea partikular na sa Kalayaan Group of Island.
Inihayag ng Pangulo na bagamat tumatanaw ng utang na loob ang Pilipinas sa China dahil sa pagtulong sa problema sa pagkontrol sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng bakuna ay maninindigan ang pamahalaan sa pagtatanggol sa sobirenya ng bansa sa West Philippine Sea.
Vic Somintac