Dating Senador Bongbong Marcos, ipinababasura ang apela ni VP Robredo na ikonsidera bilang valid votes ang 25% shading sa balota
Hiniling ni dating Senador Bongbong Marcos sa Presidential Electoral Tribunal o PET na ibasura ang motion for reconsideration ni Vice-President Leni Robredo na atasan ang mga Head revisors na ipatupad ang 25% threshold percentage sa isinasagawang manual recount ng mga boto sa 2016 VP race.
Ito ay kaalinsabay sa ika -100 linggo ng paghahain ni Marcos ng kanyang election protest sa PET laban kay Robredo.
Personal na inihain ni Marcos sa PET ang kanyang komento.
Sa 11-pahinang comment/opposition, sinabi ni Marcos na walang batayan ang nais ni Robredo na ituring na valid votes ang 25% shading sa balota.
Niloloko aniya ni Robredo ang PET sa pagsasabing mayroong Comelec resolution na nagsasabing pwedeng ikonsidera ang 25% shading sa manual recount.
Isa rin anyang injustice kung babaguhin ang mga panuntunan ukol sa shading ng balota sa kalagitnaaan ng recount proceedings.
Tinawag pa ni marcos ito na highly unprocedural dahil sa paglabag sa isinasaad ng 2010 PET rules ukol sa shading.
Kasabay nito, pinapakumpirma rin ni Marcos sa PET ang 50% shading threshold para sa mga valid votes alinsunod sa Rule 43(I) ng 2010 PET rules.
Hiniling din ni Marcos na ipatigil at ipawalang-bisa ng PET ang mga Instruction ukol sa segregation ng mga balotang may threshold issues at ang supplemental instruction na may petsang april 26, 2018 dahil sa kawalan ng basehan at pagdelay sa recount.
Ulat ni Moira Encina