Dating Senate Pres. Juan Ponce Enrile, iginiit na alyansa ng Liberal Party at NPA-CCP ang isa sa mga dahilan kaya idineklara ni dating Pangulong Marcos ang Martial Law noong 1972
Ang alyansa sa pagitan ng Liberal Party at ng NPA-Communist Party of the Philippines ang isa sa mga nag-udyok kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. para ideklara ang Batas Militar sa buong bansa noong 1972.
Ito ang inihayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa unang parte ng panayam sa kanya ni dating Senador Bongbong Marcos na may pamagat na JPE: A Witness to History at nakapost sa Facebook page ni Marcos.
Ayon kay Enrile, mayroong nilulutong koalisyon noon sa pagitan ng LP at ng mga komunista na pinamumunuan ni Jose Maria Sison.
Sinabi ni Enrile na nagsilbing defense minister ng pamahalaang Marcos nalaman niya ang binabalak na coalition government ng LP at CPP-NPA mula kay dating Senador Ninoy Aquino na pangunahing lider ng oposisyon noon.
Nagkita anya sila ni Ninoy sa bahay noon ni Ramon Silay sa Urdaneta City na kanyang kapitbahay.
Aniya ang kapatid ni Ninoy at ama ni Senador Bam Aquino na si Paul Aquino na miyembro ng LP ang nagsabi din sa kanya na tinalakay nito sa isang pagpupulong ang pagbuo ng coalition government kasama ang mga lider ng CPP.
Bukod sa sabwatan ng LP at CPP, sinabi ni Enrile na idineklara rin ang Martial Law ni Marcos dahil sa rebelyon sa Mindanao, problema sa iligal na droga, mga komunista, political warlords at mataas na insidente ng krimen sa bansa.
Inihayag ni Enrile na batid ni Marcos na masyadong mahina ang bansa at limitado ang kakayanan nito para kontrolin ang mga nasabing problema.
Umaabot lang anya sa limampung libo ang sandatahang lakas ng bansa kabilang na ang Philippine Constabulary.
Dagdag pa ni Enrile, ang bilang ng armas na nasa kamay ng mga sibilyan noon ay higit pa sa kapasidad ng Armed Forces of the Philippines.
Katunayan sa panahon ng batas militar anya ay nakasamsam sila ng nasa 600,000 na mga baril.
Iginiit pa ni Enrile na mapayapa ang mga unang taon ng martial law at wala silang pinapatay at pinakulong noon.
Hinamon pa ni Enrile ang sinuman na nais makipag-debate ukol sa tunay na nangyari noong batas militar.
Binigyang-diin pa ni Enrile na ang kasaysayan ng bansa ay dinistort o ginulo para paboran ang isang grupo.
Tiwala ito na unti-unti ay lalabas din ang katotohanan ukol sa mga pangyayari sa bansa noong panahon ni dating Pangulong Marcos.
Ulat ni Moira Encina