Dating Sulu Vice Gov. Abdusakur Tan pinakakasuhan sa Sandiganbayan
Pinasasampahan na ng kaso ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Sulu Vice Governor Abdusakur Tan at anak na si Maimbung, Sulu Mayor Samier Tan kaugnay sa hindi pagsusumite ng SALN.
Base sa kautusan na pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio- Morales, kinakitaan nila ng probable cause para sampahan ng limang bilang ng paglabag sa Section 8 ng RA 6713 ang nakakatandang Tan habang dalawang bilang naman sa anak nito.
Ibinasura naman ng Ombudsman ang reklamo laban kay Sulu Governor Abdusakur Tan II dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya pero inatasan ni Morales ang Office of the Deputy Ombudsman for Mindanao na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing tagong yaman nito.
Lumabas na lumobo ng halos ₱30M ang cash na nakadeposito ni Tan II mula sa dating ₱1.8M noong 2013 at naging ₱31M noong 2014.
Si Tan II ay nagsumite ng unverified SALNs para sa taong 2013 at 2014 habang hindi naman naghain ng SALN ang nakakatandang Tan mula 2001-2004 at 2007-2012.
Si Samier Tan naman ay hindi nagsumite ng SALN noong 2010 at 2011.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo