Dating US President Jimmy Carter nagdiwang ng kaniyang ika-100 kaarawan
Ipinagdiwang ng Nobel laureate na si Jimmy Carter, na nabuhay nang matagal kaysa sinumang U.S. president sa kasaysayan, ang kaniyang ika-100 kaarawan.
Si Carter na isang Democrat, ay nagsilbi ng isang termino lamang bilang pangulo mula Enero 1977 hanggang Enero 1981.
Ang kanyang mga dekada ng humanitarian work makaraang umalis sa panunungkulan, kabilang na ang promosyon ng karapatang pantao at pagpapagaan sa kahirapan sa mga bansa sa buong mundo, ang naging daan sa pagkakamit niya ng Nobel Peace Prize noong 2002.
Ang kanyang kaarawan, na sumapit 19 na buwan pagkatapos niyang pumasok sa hospice care sa kanyang tahanan sa Plains, Georgia, ay inalala sa pamamagitan ng isang broadcast ng tribute concert ng mga sikat na country, rock at gospel musician na ini-record sa Fox Theater ng Atlanta noong nakaraang buwan.
Ang concert ay nakalikom ng mahigit sa $1 million para sa international programs ng Carter Center, na kaniyang itinatag kasama ang kaniyang asawang si Rosalynn Carter.
Plano ng dating pangulo na pakinggan ang konsierto sa Georgia Public Broadcasting, ayon sa kaniyang apo na si Jason Carter.
Si Jimmy at Rosalynn Carter ay 77 taon nang kasal. Namatay si Rosalynn Carter noong November 2023 habang ang dating pangulo naman ay huling nakita ng publiko sa libing ng kaniyang asawa, kung saan sakay siya ng isang wheelchair at mukhang mahina na.
Na-diagnose siya na mayroong cancer at iba pang health issues, at nagpasya na itigil na ang medical intervention at pumasok sa hospice care noong February 2023.
Sa isang birthday tribute, sinabi ni U.S. President Joe Biden, “Carter had always been a moral force for our nation and the world. Your hopeful vision of our country, your commitment to a better world, and your unwavering belief in the power of human goodness continues to be a guiding light for all of us.”
Ang pamilya Carter ay may kaugnayan sa non-profit group na Habitat for Humanity International mula pa noong dekada 80, ang dating pangulo ay regular na sumasama sa iba pang volunteers upang tumulong na matayuan ng bahay ang mga taong naapektuhan ng mga sakuna o kahirapan.
Sa linggong ito, bilang pagdiriwang sa kaarawan ni Carter, maraming Habitat volunteers, kabilang ang country music stars na sina Garth Brooks at Trisha Yarwood, ang magtatayo ng 30 mga bahay sa St. Paul, Minnesota, ayon sa grupo.
Ayon kay Jonathan Reckford, Habitat’s chief executive officer, “The Jimmy & Rosalynn Carter Work Project serves not only as a way to honor the Carters’ legacy, but also as a reminder of what is possible when people from all walks come together to work toward one common goal.’