Dating world pole vault champion binawian na ng buhay sa edad na 29
Inanunsyo ng kaniyang agent, na binawian na ng buhay sa edad na 29 ang dating world pole vault champion na si Shawn Barber ng Canada, sa kaniyang tahanan sa Texas.
Nakuha ni Barber ang 2015 world title sa Beijing makaraang ma-clear ang 5.90 meters at nakuha naman ang iba pa niyang major international crown sa Toronto, Canada na kaniyang bansang sinilangan sa 2015 Pan American Games.
Ang pagkamatay ni Barber ay inanunsyo ng kaniyang agent na si Paul Doyle, sa kaniyang social media post ngunit walang ibinigay na detalye sa naging sanhi ng kamatayan nito.
Sa mensahe sa kaniyang post ay sinabi ni Doyle, “A friend that will never be forgotten. Canadian Olympic Pole Vaulter Shawn Barber has passed away. He is currently the Canadian record holder with his personal best of 6.00m and was the 2015 World Champion in the Pole Vault.”
Dagdag pa niya, “Shawn was also an Olympic finalist at the 2016 Olympics in Rio De Janeiro. He will be greatly missed.”
Si Barber ang nagtakda ng Canadian indoor record na 6.00m noong 2016 sa Pole Vault Summit, at na-clear naman niya ang 5.93m noong July 2015, upang itakda ang isang Canadian outdoor mark.
Ang US at Canadian dual citizen na si Barber, ay nagwagi ng silver sa 2018 Gold Coast Commonwealth Games at nanalo naman ng bronze sa 2014 sa Glasgow.
Natapos siya sa ika-10 puwesto sa 2016 Rio Olympics, makaraang ma-clear ang 5.50 meters.