Davao City muling naungusan ang mga lungsod sa NCR sa dami ng COVID- 19 cases
Muling nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 ang Davao City kung saan naungusan pa nito ang mga lungsod sa National Capital Region (NCR).
Sa OCTA Research Report mula June 21 hanggang June 27, nakasaad na nakapagtala ng 263 bagong COVID cases ang Davao City sa nakalipas na isang linggo.
Dahil rito, umakyat sa 70% ang hospital bed utilization rate nito habang nasa 93% naman ang kanilang ICU utilization rate.
Batay pa sa OCTA Research report, bukod sa Davao City, nasa critical level na rin ang ICU utilization rates sa Iloilo City, General Santos, Koronadal at Cabuyao.
Ang ICU utilization rate ng Koronadal ay nasa 100% na matapos umakyat sa 22.27 ang average daily attack rate rito.
Ayon sa OCTA, patuloy rin nilang nakikitaan ng pagbaba ang mga kaso ng COVID sa NCR kung saan mula June 21 hanggang 27 ay nasa 667 ang naitalang bagong kaso na mas mababa kumpara sa 731 noong June 14 hanggang 20.
Kung titignan anila ay nasa 4.83 ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR na ikinukunsiderang moderate-low risk.
Habang ang ADAR ng Davao City ay nasa critical level na 14.47.
Patuloy pa ring na inirerekomenda ng OCTA na isailalim pa rin sa General Community Quarantine ang NCR Plus dahil sa mababa pa ring vaccination coverage at patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID sa labas ng NCR.
Madelyn Moratillo