Davao Oriental, isasailalim sa ECQ simula Sept. 8 hanggang 21
Inanunsyo ng pamahalaang panglalawigan ng Davao Oriental na isasailalim sa Enhanced Community Quarantine ang lalawigan simula Setyembre 8 hanggang 21.
Ito’y dahil sa patuloy na naitatalang mataas na kaso ng Covid-19.
Sa pinakahuling tala ng lalawigan, pumapalo na sa 5,583 ang kaso ng virus infection sa lalawigan na may 1,227 active cases.
Sumampa na rin sa 159 ang death toll.
Ang pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine ay napagkasunduan ng local chief executives ng lalawigan sa pangunguna ni Governor Nelson Dayanghirang.
Sinabi ni Dr. Reden Bersaldo, Provincial Task Force (PTF) on Covid-19 Action officer, na makatutulong ang ECQ implementation upang mabigyan ng sapat na panahon ang healthcare sector ng lalawigan na matutukan ang recovery at treatment ng mga Covid-19 cases.
Sa ilalim ng 2 linggong ECQ, ipatutupad ang 24 hour liquor ban at ang curfew ay mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Mahigpit ding babantayan ang mga establisimyento.
Magdaragdag din ng mga law enforcer sa mga border ng lalawigan upang matiyak na hindi makapapasok ang mga non-essential travel.