Dayuhang asawa ng mga Filipino, at kanilang mga anak, papayagan nang pumasok sa bansa simula sa Dec. 7
Simula sa Disyembre 7, ay papayagan nang makapasok sa bansa ang asawang dayuhan ng mga Filipino, at kanilang mga anak.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na pinayagan na rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), ang pagpasok ng mga dating Filipino citizen, kanilang asawa at mga anak na bibiyaheng kasama nila, anoman ang edad ng mga ito.
Ayon kay Roque, dapat ay may pre-booked quarantine facility ang mga ito at kailangan ding sumailalim sa COVID-19 testing sa isang laboratoryong nag-o-operate sa airport.
Noong una ang pinayagan lamang ng gobyerno na makapasok sa bansa, ay mga dayuhang anak ng mga Filipino na may special needs, foreign parents ng minor Filipinos, at foreign parents ng Filipino children with special needs.
Pinayagan ding makapasok sa bansa ang mga accredited foreign government at international organization officials at kanilang dependents, foreign airline crew members, at foreign seafarers na may appropriate visas.
Kabilang din sa maaaring pumasok sa bansa ay ang mga dayuhang may select investor visas.
Liza Flores