DBM: P82-B pondo para sa pagbili ng anti-Covid-19 vaccine, kasado na
Handa na ang 82 bilyong pisong pondo para sa pagbili ng pamahalaan ng 148 milyong doses ng anti COVID-19 vaccine.
Ito ang tiniyak ni Department of Budget and Mangement (DBM) Secretary Wendel Avisado sa Laging Handa Press Briefing sa Malakanyang.
Sinabi ni Secretary Avisado, ang 2.5 bilyong piso ay mula sa pondo ng Department of Health (DOH), 10 bilyong piso ay mula sa Bayanihan 2 at ang 70 bilyong piso ay manggagaling naman sa loan grant mula sa International Financial Institution na World Bank at Asian Development Bank.
Ayon kay Avisado, nasa kamay nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez at Health Secretary Francisco Duque III kung anong Vaccine manufacturer ang babayaran mula sa pondong inilabas ng DBM para sa bibilhing anti COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Avisado na bigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng Gobyerno na gampanan ang kanilang tungkulin sa pagbili ng anti COVID-19 vaccine bago batikusin ng mga kritiko ng administrasyon ang ilalargang mass vaccination program ng pamahalaan.
Vic Somintac