DBM, inamin sa Kongreso na unauthorized ang paglilipat ng 1.1 Billion pesos na pondo ng DICT sa MMDA
Walang pahintulot ang ginawang paglilipat ng Department of Information and Communications Technology o DICT sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng 1.1 Billion pesos na pondo na gagamitin sa National Broadband project noong panahon ng Duterte Administration.
Ito ang inihayag ni Department of Budget and Management o DBM Acting Director Perpetual Judea Quiazon sa ginawang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Lumabas din sa imbestigasyon ng Kamara na kahit sinabi na ng mga legal expert ng DICT na ilegal at labag sa 2022 General Appropriations Act ang gagawing fund transfer ay pinilit parin ni Information Secretary Manny Caintic.
Si Northern Samar Congressman Paul Daza ang kumuwestiyon sa fund transfer sa pagitan ng DICT at MMDA.
Ang isyu sa pagitan ng DICT at MMDA ay kasalukuyang iniimbestigahan ng House Committe on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Congresswoman Florida Robes.
Vic Somintac