DBM, kinalampag ng Kongreso sa isyu ng unused appropriations para pondohan ang stimulus package ng incoming Marcos admin
Dapat suriin ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga unused appropriations o hindi nagamit na pondo ang papatapos na Duterte administration.
Ayon kay House Deputy Speaker Isidro Ungab, mahalagang matukoy ang naturang mga pondo para magamit sa stimulus package kapag nagsimula na ang gobyerno ni President-elect Bongbong Marcos.
Sinabi ni Ungab na dating Chairman ng House Appropriations Committee, dapat din alamin ng DBM kung may savings mula sa mga ahensya ng gobyerno para maisulong ang BBM Bill o Bayan Bangon Muli.
Inirekomenda ni Ungab sa incoming Marcos administration na aksyunan agad ang paghahanda at pag-update sa “Medium-Term Philippine Development Plan for 2023 – 2028” na magiging batayan sa pag-budget ng mga gastos sa mga susunod na taon ng BBM administration.
Naniniwala si Ungab na seryoso si BBM na maiangat ang ekonomiya ng bansa sa harap ng epekto ng Pandemya.
Ito’y matapos sabihin ni BBM ang mga plano sa pagpasok ng 19th Congress gaya ng agarang pagpapatibay sa 2023 national budget at ang isusulong na stimulus package na BBM Bill.
Vic Somintac