DBM, kinastigo ng mga Senador dahil sa pang-iipit sa pondo ng mga proyekto ng gobyerno
Kinastigo ng mga Senador ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa pagpigil sa pagpapalabas ng pondo para sa mga proyekto ng gobyerno.
Nabatid na nagdesisyon ang DBM na “For Later Release” (FLR) pa ang 160 bilyong pondo na para sana sa mga proyekto ng pamahalaan, kabilang na ang pondo para sa Social Amelioration Program at pondo para sa proyekto ng Philippine Navy at Coastguard.
Nangangamba si Senate Minority Leader Franklin Drilon na magagamit ang pondo sa pamumulitika dahil ang FLR ay nangangahulugan na hindi ito maaaring ilabas hangga’t walang approval ng Pangulo.
Nakapagtataka aniya na pinigil ang pagpapalabas ng pondo, sampung buwan bago ang eleksyon sa bansa.
Iginiit ni Drilon, ngayon aniya mas kailangan ng taumbayan ang pondo dahil sa matinding epekto ng Pandemya.
Kuwestyon naman ni Senador Ralph Recto, nasaan ang sense of urgency ng Malacañang.
Ang pagpigil kasi aniya ng paglalabas ng pondo ay nangangahulugan rin ng pagbagal ng pagbangon ng ekonomiya.
Iginiit ng Senador na kung ilalabas ang pondo, makatutulong ito para pagsiglahin ang mga negosyo at makalikha ng mas maraming trabaho.