Dean ng UST Civil Law hinamong kasuhan at patalsikin ang mga sangkot sa hazing at pagpatay kay Tomas Castillo
Hinamon ni Senador Juan Miguel Zubiri si Dean Nilo Divina ng UST Civil Law na patalsikin at kasuhan ang mga ka-brod nito sa Aegis Juris Fraternity matapos mapatay sa hazing ang Law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo the third.
Sa kaniyang privelege speech, hindi kumbinsido si Zubiri na hindi kilala at walang alam si Divina sa nangyaring hazing dahil isa siya sa mga itinuturing na opisyales ng grupo.
Bagaman nagsumite aniya si Divina ng leave of absence sa fraternity walong taon na ang nakalilipas, may pananagutan pa rin si Divina bilang tagapamuno sa naturang kolehiyo.
Kwestyunable rin aniya ang desisyon ni Divina na patigilin o suspendihin sa pagpasok sa eskwelahan ang mga estudyante na miyembro ng fraternity dahilan kaya nahihirapan ngayon ang mga imbestigador.
Inupakan rin ni Zubiri ang unibersidad ng Sto. Tomas dahil sa malambot na paninidigan sa kaso.
Bilang isang katolikong institusyon, dapat aniyang ito ang nagbibigay ng proteksyon sa mga biktima ng pag-abuso at pagpatay.
Hiling ng mambabatas, dapat pangalanan ng Unibersidad at isuko ang lahat ng dawit sa karumal-dumay na pagpatay kay Castillo.
Dismayado rin ang Senador dahil pawang mga abugado ang miyembro ng fraternity na dapat sanay tagapagpatupad ng batas pero tila sila ang pasimuno ng mga karahasan.
Humingi ng tulong kay Zubiri ang pamilya ng biktima dahil karamihan sa mga suspek ay hindi na ma-trace sa kasalukuyan at hinihinalang nakalabas na ng bansa.
Tatlong resolusyon at panukalang batas na ang nakapending sa Senado na humihiling na imbestigahan at mas higpitan pa ang parusa sa mga sangkot at gumagawa ng hazing.
Nais ng mga Senador na amiyendahan ang umiiral na batas at tuluyan nang ipagbawal ang hazing kahit sa pamamagitan ng physical o mental torture.
Kailangan anilang baguhin at tanggalin ang probisyon na nagpapahina sa Anti Hazing Law o Republic Act 8049.
Sa ilalim ng batas, walang itinatakdang parusa o pagbabawal sa hazing sa halip ipauubaya sa huwes na dumidinig sa kaso ang pagpapataw ng parusa.
Ulat ni: Mean Corvera