Death penalty bill, aprubado na sa 2nd reading ng Kamara
Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang Death Penalty Bill.
Sa pamamagitan ng viva voce voting nanaig ang tinig ng mga pabor sa panukala.
Bago ang mismong 2nd reading approval, muling isinalang ang House Bill 4727 sa period of individual amendments.
Kumain din ng mahabang oras ang ilang dilatory tactics mula ng mga kontra sa panukala.
Kaya napilitang tumayo si House Majority Leader Rodolfo Fariñas at iginiit na isara ang period of amendments at magbotohan na.
Pero bago ito iginiit ni Deputy Speaker Rolando Andaya na dapat palitan ang title ng panukala at amyendahan na lang ang Comprehensive Dangerous Drugs Law sa halip na magpasa ng bagong batas.
Nangangamba si Andaya na pagdating sa bicam ay madagdagan lang ang papatawan ng death penalty.
Iginiit din ni Albay Rep. Edcel Lagman na alisin ang reclusion perpetua to death, sa halip ay gawin itong reclusion temporal to perpetua.
Ipinababalik naman sa Dangerous Drugs Committee ni Akbayan Representative Tom Villarin ang panukala at pag-aralan pang mabuti.
Naglatag din ng amiyenda sina 1-Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na pawang na-reject.
Ang Death Penalty bill ay iniakda sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Mula sa dating dalawampu’t isang krimen na target na patawan ng parusang kamatayan, ibinaba ito sa apat hanggang sa tuluyan nang maging limitado sa drug-related crimes.
Sa March 8, inaasahang maisasalang ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa para sa Death Penalty bill.
Ulat ni: Madelyn Villar -Moratillo