Death toll ng PNP dahil sa Covid-19, umakyat sa 109
Pumalo na sa 109 ang kabuuang namatay sa hanay ng Pambansang Pulisya sanhi ng Covid-19.
Sa datos ng PNP Health service ngayong September 12, 2021, isang pulis na nakatalaga sa CALABARZON ang karagdagang fatality sa kanilang hanay.
Sinabi ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar na batay sa report na isinumite sa kaniya, isang 37-anyos na police master sergeant ang bagong pumanaw.
Namatay ito noong September 9 dahil sa Pneumonia at Acute Respiratory failure secondary to Covid-19.
August 28 nang makaranas umano ng mild symptoms ang pulis at kagaad siyang isinailalim sa RT-PCR test na nagpositibo ang resulta.
August 30 nang makaranas ng hirap sa paghinga ang pulis kaya inilipat sa kalapit na pagamutan.
Pero idineklara na siyang pumanaw ng kaniyang attending physician noong September 9, alas-3:00 ng madaling-araw.
Natuklasan na ang pulis ay may hypertension pero nakatanggap na ito ng unang dose ng bakuna noong August 6,
Nagpaabot ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng namatay na pulis at tiniyak ang tulong at benepisyong ipagkakaloob sa mga naulila.
Samantala, ngayong aarw, nakapagtala ng 176 bagong mga kaso ng Covid-19 ang PNP kaya pumalo na sa 37,067 ang kabuuang kaso na may 2,655 active cases.
Nakapagtala rin ng panibagong 159 recoveries kaya umakyat na sa 34,303 ang bilang ng mga gumaling sa PNP mula sa virus infection.
Iniulat din ng PNP na pumalo na sa 117,530 police personnel ang fully vaccinated na habang nasa 92,362 ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.
Dahil dito, nasa 12,809 na lamang o katumbas ng 5.75% police personnel ang hindi pa nababakunahan.