Death toll sa bagyong Agaton, umakyat sa 172 – NDRRMC
Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 172 ang bilang ng mga namatay kasunod ng pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa NDRRMC, 152 sa mga namatay ay mula sa Eastern Visayas, 11 sa Western Visayas, 3 sa Davao Region at 2 sa Central Visayas.
Nasa 110 naman ang naiulat na nawawala kung saan 104 sa kanila ay mula sa Eastern Visayas, 5 mula sa Western Visayas at 1 sa Davao Region.
8 katao naman ang sugatan, 4 sa kanila ay mula sa Soccsksargen, 2 mula sa Northern Mindanao, and tig-isa sa Central Visayas at Davao Region.
Samantala, iniulat din ng Baybay City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na sumampa pa sa 101 ang bilang ng mga namatay sa lungsod.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, nagpapatuloy pa rin at hindi tumigil ang search and rescue operations sa landslide areas.
Nasa 300 personnel aniya ang nakadeploy sa mga aktibidad upang tulungan ang ating mga kababayang nadisgrasya sa panahon ng kalamidad.
Sinabi pa ng NDRRMC na pumalo na sa kabuuang 2,015,643 indibidwal o 583,994 families mula sa 2,419 na barangay sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro ang naapektuhan ng bagyo.
Nasa 207,572 indibidwal o 58,492 families ang nananatili sa mga evacuation center habang nasa 188,348 indibidwal o 110,741 families ang nakikituloy sa kanilang mga kaanak.
Sinabi pa ni Timbal na nasa 48.5 milyong pisong halaga na ng family food packs, hygiene kits, medical items, at iba pang relief goods ang naipagkaloob sa mga apektadong komunidad.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 10,393 mga bahay na napinsala ng bagyo…..9,723 rito ay partially at 670 ang totally damaged.
Habang 16 siyudad at munisipalidad naman ang nagdeklara ng state of calamity.