Debate ng Senado sa Maharlika Fund tinapos na
Tinapos na ng Senado ang debate sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Pero bago ito aprubahan, nagkaroon ng mainitang debate sa pagitan ng mga senador.
Tumayo si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel sa sesyon kagabi, May 29, para kwestyunin kung sinu-sino ang bubuo sa Board of Directors ng Maharlika Investment Corporation at implementasyon ng investment fund.
Pagkatapos ng dalawang oras, hiniling ni Pimentel na suspindihin ang period of interpellation at ipagpapatuloy sana ngayon Martes, May 30.
Nais pa sanang kwestyunin ni Pimentel kung saan kukunin ang pondo pero naghain ang sponsor ng panukala na si Senador Mark Villar ng mosyon na isara na ang period of interpellations at iginiit na nasagot na ang lahat ng isyu sa mga naging interpellations ng iba pang senador.
“Mr. President, I object! I think I’ve, we’ve dabated this extensively and answered all the interpolations and without prejudice to the amendment, I’d like to object. I’d like to close the interpellations,” manipestasyon ni Senador Villar.
Sinuportahan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Villar na nagsabing kailangan nang simulan ang period of amendments.
“We appeal to our minority leader that tomorrow, we’ll reserve the turno and contra and we should give time for the period of amendments,” pagdidiin ni Zubiri.
Dismayado si Pimentel dahil para sa kaniya, ngayon pa lang sana tutumbukin ang pinaka-importante sa panukala.
“Sayang, we are getting into the meat of the measure, lalo na itong allowable investment,” paliwanag ng minority leader.
Sagot naman ni Zubiri may karapatan si Villar bilang sponsor ng panukala na tumanggi na sagutin ang mga tanong tungkol sa isinusulong na panukala
Pero hinamon ni Pimentel si Zubiri na basahin ang rules ng Senado na nagbabawal na sumagot sa mga tanong.
“We recognize that it is the right of the sponsor to sit down if he or she wishes to be no longer interpellated. I think it’s just moot and academic,” paliwanag ni Zubiri.
Naghain si Pimentel ng mosyon na ipagpatuloy ang period of interpellations na hiniling naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na idaan na lamang sa botohan.
“The desire of the minority is just to be educated. Can you cite the preceding, the specific rule that governs the situation?” tanong ni Pimentel.
Natalo sa botohan si Pimentel dahil dalawa lamang ang pumabor na ituloy ang interpelations habang labing-isang senador ang tumutol.
Meanne Corvera