Defense department hindi pa mairekomenda kay Pangulong Duterte kung aalisin na ang Martial Law sa Mindanao
Hindi pa makapagbibigay ng rekomendasyon ang Department of National Defense kay Pangulong Rodrigo Duterte kung aalisin na ang bisa ng martial law sa Mindanao.
Sa Mindanao hour sa Malakanyang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kailangan pa nilang maghintay ng dalawang linggo para makakakuha ng sapat na impormasyon kung kailangan ng alisin ang Martial Law sa Mindanao dulot ng Marawi siege na ginawa ng teroristang Maute group.
Ayon kay Lorenzana naniniwala pa rin ang militar na nasa loob pa ng Marawi City si ISIS Emir Abu Sayaff leader Isnilon Hapilon.
Inihayag ni Secretary Lorenzana na batay sa nakakalap na impormasyon habang papalapit na ang tropa ng pamahalaan sa nalalabing stronghold ng Maute group nagtatago si Hapilon sa mosque.
Kaugnay nito ayaw ng magbigay ng deadline ang Department of National Defense kung kailan matatapos ang giyera sa Marawi City.
Sinabi ni Lorenzana na tatlong beses na siyang nakuryente sa kabibigay ng deadline kung kailan matatapos ang bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Maute-ISIS terror group.
Umaasa si Lorenzana na sana ay matapos na ang krisis bago sumapit ang State of the Nation Adress o SONA ni Pangulong Duterte sa July 24.
Aminado ang kalihim na hindi sanay sa urban operations ang mga sundalo dahil ang nakasanayan ay giyera sa mga kabundukan.
Bukod dito naniniwala si Lorenzana na pinaghandaan ng husto ng mga kalaban ang paglusob sa Marawi City kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin matapos-tapos ang giyera.
Batay sa datos na hawak ni Lorenzana umabot na sa 84 ang nasasawing sundalo sa bakbakan, 336 naman ang napatay sa panig ng mga terorista o katumbas ng isang batalyon , at 39 ang nasawi sa mga sibilyan na pinaniniwalaang pinatay ng mga terorista.
Ulat ni: Vic Somintac