Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Chief Eduardo Año pinadadalo ng SC sa oral arguments bukas
Inatasan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sina Defense Secretary at Martial Law administrator Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff at Martial Law implementor Eduardo Año na dumalo sa pagpapatuloy ng oral arguments bukas.
Ito ay matapos hilingin ng petitioner na si Congressman Edcel Lagman na paharapin sina Lorenzana at Año dahil mahalaga ang presensya ng mga ito sa pagdinig bilang mga tagapagtupad ng batas militar.
Ngayon hapon sana nais ni Lagman na padaluhin sina Lorenzana at año pero sinabi ni Solicitor General Jose Calida na wala ang dalawang opisyal sa Metro Manila kaya bukas na lamang silang paharapin.
Sinabi ni Sereno na hindi naman bago sa Korte Suprema na magpatawag ng mga resource person sa mga oral arguments.
Mahalaga aniya ang magiging pagharap nina Lorenzana at Año para direkta silang matanong sa kaso ng Martial Law.
Kaugnay nito hiniling ni Calida na magkaroon ng executive session sa Korte Suprema sa pagharap nina Lorenzana at Año sa oral arguments dahil maaring may matalakay na sensitibong mga isyu kaugnay sa seguridad ng bansa.
Samantala, patuloy na iginiit ni Lagman na walang aktuwal na rebelyon sa Mindanao para magdeklara ng batas militar sa rehiyon.
Mayroon lang aniyang banta o imminent danger ng rebelyon pero hindi ito sapat para iproklama ang Martial Law alinsunod sa 1987 constitution.