Deklarasyon ng Batas Militar sa Mindanao, kinuwestyon sa SC ng opposition Congressmen

Pormal nang hinamon sa Korte Suprema ng opposition congressmen ang constitutionality ng deklarasyon ng batas militar ni Pangulong Duterte sa Mindanao.

Sa kanilang petisyon, hiniling ni Albay Representative Edcel Lagman at anim na iba pang kongresista na ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang Proclamation Number 216 dahil sa kawalan ng sapat na factual basis.

Katwiran nila walang rebolusyon o pagsakop kung saan ang kaligtasan ng publiko ay nangangailangan ng deklarasyon ng Martial Law at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa Marawi City at iba pang bahagi ng Mindanao.

Tinawag pa nilang inaccurate, simulated, false at hyperbolic ang mga facts ng Pangulo para ikatwiran ang proklamasyon ng batas militar.

Ayon pa sa oposiyon, ang listahan ng terrorist acts o mga insidente ng karahasan ay malayo o kaya naman ay naresolba na sa pamamagitan ng pag-aresto sa mga salarin.

Tinukoy pa nila ang pag-amin ng militar na inisyatibo ng gobyerno ang armed conflict sa Marawi City para  ma-neutralize o madakip ang teroristang  si Isnilon Hapilon na kinontra ng Maute group.

Kabilang sa mga petitioners sina Congressmen Tomasito Villarin, Gary Alejano, Emmanuel Billones, Teddy Brawner Baguilat  Jr., Raul Daza at Edgar Erice.

Sinabi pa ng mga opposition Senators na ang kanilang petisyon ay una lamang sa serye ng mga petisyon para kwestyunin ang Martial Law sa Mindanao.

 Ulat ni: Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *