Dela Rosa, Duterte handang ipagtanggol ni Tolentino sa ICC
Handang mag-abugado si Senador Francis Tolentino para idepensa si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa mga kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC).
Kasama si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kinasuhan si dela Rosa sa ICC dahil sa mga kaso umano ng extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Si dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang isakatuparan ang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Tolentino na susulatan niya sa Lunes si Senate President Juan Miguel Zubiri para hilinging payagan siyang makapag-practice ng kanilang propesyon bilang international lawyer at maging legal counsel ni dela Rosa sa ICC.
Pero para kay Tolentino, sa ngayon ay wala pang dapat ipag-alala si dela Rosa.
Paliwanag ni Tolentino “if there is an administrative or quasi-judicial body seeking documents or asking for his testimony, dapat i-submit sa Pilipinas yan, dito dapat mag-imbestiga, hindi dapat sa The Netherlands.”
Handa rin ang mambabatas na maging defense lawyer ni Duterte kung nanaisin ng dating pangulo.
“Hindi pa kami nag-uusap pero kung gusto nya pinapa-ayos ko ang papers ko ngayon for my proper accreditation,” dagdag ng senador.
Bahagi ng pagdepensa kay Duterte, sinabi ni Tolentino na magpapatawag siya ng pagdinig sa Senado para sa mga inihaing resolusyon na humihiling na ipagtanggol ang dating pangulo sa anomang panggigipit ng ICC.
Plano rin ng senador na ipatawag ang ilang ICC prosecutors.
“I would like to have Mr. Khan to explain the reason why they insisted that the pleading was not complete, yun ang sine-set-up naming,” dagdag ni Tolentino.
Naisin man ni Tolentino, isinasaad naman sa Article 6, Section 14 ng 1987 Constitution ang mahigpit na pagbabawal sa sinumang miyembro ng Senado o Kamara na maging counsel sa anomang court of justice, electoral tribunal o anomang quasi-judicial at iba pang administrative body.
Meanne Corvera