Delikado ba ang fatty liver?
Magandang araw mga kapitbahay!
May nagtanong po sa ating programang Kapitbahay sa Radyo Agila, kung ano raw ba talaga ang fatty liver?
Tamang-tama naman dahil sa ito ang gusto talagang matalakay ni Dr. Irma Antonio-Pilar, isang Internist sa programa.
Ang sabi ni Doc Irma, ang fatty liver ay tinatawag na non- alcoholic fatty liver disease na nakikita sa mga pasyenteng may diabetes, o sa mga matatabang pasyente.
Puwedeng maapektuhan ang mga umiinom o kahit hindi umiinom ng alak.
Ang main characteristic ng non-alcoholic fatty liver disease ay ang masyadong maraming taba na naiimbak sa atay o sa liver cells.
Ano nga ba ang mga sintomas ng fatty liver?
Una, sabi ni Doc Irma, walang signs or symptoms ang fatty liver disease.
Kung meron man, maaaring ‘yung mabilis na mapagod ang pasyente o kung minsan parang may ‘discomfort’ sa right upper quadrant ng abdomen.
Ang taba ay ‘toxic’ o masama sa liver cells kaya namamaga ang liver.
At kapag namaga ang atay nagkakaroon ng ‘scarring’ o nagpepeklat na kalaunan ay puwedeng humantong sa cirrhosis.
Ano naman ang cirrhosis?
Kapag ang atay ay nagkaroon ng peklat-peklat, hindi magpa-function ng mabuti ang atay.
Ano ang sintomas ng cirrhosis?
Kapag may cirrhosis ang isang pasyente, malaki ang tiyan, ang blood vessels sa esophagus ay lumalaki kaya ang kumplikasyon ay maaaring pumutok ito at sumuka ng dugo ang pasyente.
Namumula din ang mga kamay at puwede ring manilaw ( jaundice) ang balat ng pasyente.
Batay sa mga pag-aaral, sabi ng mga eksperto ang fatty liver daw ay iniuugnay sa pagiging mataba o overweight, ’yung pagkakaroon ng diabetes at may mataas na level ng cholesterol at triglycerides sa dugo.
Kaya sabi ni Doc Irma, kapag nagkaroon ng fatty liver, maging warning na
ito na maaaring may hindi magandang nangyayari sa atay.
Kaya kapag sa ultrasound result ay makita na fatty liver na nakalagay, kailangan nang baguhin ang lifestyle, sabi ni Doc.
Para sa karagdagan pang impormasyon tungkol sa fatty liver, panuorin po ang Feb. 8, 2023 episode ng Kapitbahay Radyo Agila sa FB o You Tube.
Hanggang sa susunod mga kapitbahay!