Delivery rider na biktima ng fake booking, tinulungan ng mga pulis sa Malabon
Isang delivery rider ang nagtungo sa Potrero Police Sub-Station 1 sa Malabon, upang i-reklamo ang isang tao na nagpanggap umanong customer at umorder sa isang food-delivery service platform, ngunit hindi na kinuha at binayaran ang kaniyang mga inorder.
Sinubukan umano ng rider na tawagan ang customer, ngunit hindi ito sumasagot at kalaunan ay hindi na makontak.
Bilang tulong sa nabiktimang rider, ay binili na lamang ng mga pulis sa naturang istasyon ang mga pagkaing inorder ng pekeng customer.
Pinuri naman ni PNP chief General Guillermo Eleazar ang mga pulis na tumulong sa rider.
Aniya . . . “Nagtratrabaho ng marangal itong mga delivery riders natin sa kabila ng pandemya. Nakakataba ng puso na sa panahong sinasamantala pa ang kanilang serbisyo, ay handa ang ating kapulisan na tulungan sila.”
Sa ilalim ng Anti-Cybercrime Group, ay pinaigting ng PNP ang kampanya nito laban sa Online Scams.
Katunayan, kamakailan ay inilunsad ng PNP ang Project E-ACCESS na naglalayong makatulong sa mga netizen laban sa cyber criminals, kabilang na ang mga online scammer.
AJ Zamora