Delta Plus variant, hindi pa maituturing na variant of concern, ayon sa health expert
Hindi pa matutukoy bilang variant of concern (VOC) ang Delta Plus varianta na nagmula sa India at kalat na sa 11 bansa.
Sinabi ni Dr. Eva Maria Cutiongco-dela Paz, executive director ng University of the Philippines Manila – National Institutes of Health, na kahit ang World Health Organization (WHO) ay hindi pa itinuturing na VOC ang nasabing variant batay sa kanilang pinakahuling epidemiological report.
Ang VOC ay mula sa pamilya ng Coronavirus with mutation na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko dahil sa mas nakakahawa at nagdudulot ng malalang karamdaman sa sinumang mahawaan nito.
Ayon kay Dr. Eva, maliban sa tatlong mutations sa Delta Plus variant na L452R, P681R, at T478K, ay mayroon pa itong karagdagang K417N mutation.
Wala pa rin aniyang patunay na ang Delta Plus variant ay nakakabawas ng bisa ng mga Covid-19 vaccine.
Maliban dito, sinabi ng eksperto na wala pang local transmission ng Delta Plus variant sa Pilipinas dahil ang 17 naitalang kaso ay mula lahat sa returning Filipinos.
Gayunman, kahit hindi pa VOC ang nasabing variant ay dapat panatilihin ng pamahalaan ang mahigpit na border control upang hindi ito magdulot ng panganib sa kalusugan.
Hinimok din nito ang publiko na sumunod sa mga ipinaiiral na health protocol upang makaiwas sa malalang karamdaman.