Delta variant cases sa bansa, mahigit 300 na
Umakyat na sa mahigit 300 ang kaso ng Delta variant ng COVID-19 dito sa bansa.
Ito ay matapos may 116 bagong kaso ng Delta variant na natukoy ang Philippine Genome Center sa kanilang mga sinuring sample.
Ayon sa Department of Health, sa 116 karagdagang Delta variant cases na ito, 95 ang local cases, ang 1 ay Returning Overseas Filipino habang bineberipika naman ang 20.
Sa mga local cases na ito, 83 ang taga- National Capital Region, 3 ang mula sa CALABARZON, 4 sa Central Visayas, 2 sa Davao Region, at tig isa naman sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, at Ilocos Region.
Pero ayon sa DOH, nakarekober naman na ang mga ito bagamat inaalam parin nila ang kasalukuyan nilang kondisyon.
Nilinaw naman ng DOH na mula sa 216 Delta cases na kanilang unang naireport, nabawasan ito ng isa matapos maberipika na ang isang kaso ay sinuri sa magkaibang laboratoryo.
Samantala, may 113 bagong Alpha variant cases ang natukoy sa bansa.
Ang 104 rito ay local cases, ang isa ay ROF, ang 8 naman ay bineberipika pa.Ang 2 sa kanila ay nasawi habang nakarekober naman na ang iba pa.
Sa ngayon, umabot na sa 1,968 ang kabuuang kaso ng Alpha variant sa bansa.
May karagdagan ring 122 Beta variant na naitala sa bansa, kung saan ang 104 rito ay local cases, 4 ay ROFs, habang bineberipika naman ang 14.Lahat sila nakarekober na mula sa sakit.
Sa kabuuan, may 2,268 Beta variant cases na ang naitala sa bansa.
May 10 ring karagdagang P.3 variant ang naitala sa bansa, ang 9 rito ay local cases habang ROF naman ang isa.
Lahat sila, nakarekober na ayon sa DOH.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards sa lahat ng pagkakataon at magpabakuna na kung may pagkakataon.
Madz Moratillo