DENR BFAR at LGU’S pinagbawalan ni Pangulong Duterte na magsagawa ng check point
Nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng direktiba na nagbabawal sa Department of Environment and Natural Resources o DENR, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at local government units o lgu’s na bawal ng magsagawa ng check point sa alin mang bahagi ng bansa.
Sinabi ng pangulo na ang tanging may karapatan na magsagawa ng check point ay ang militar at pulisya.
Ayon sa pangulo nakarating sa kanyang kaalaman ang reklamo ng mga negosyante na nangongotong ang mga kagawad ng DENR, BFAR at mga LGU’s sa mga produktong iniluluwas sa mga kabayanan.
Inihayag ng pangulo ang pangungotong ng DENR, BFAR at LGU’s sa mga isda, gulay at prutas sa mga negosyante ang dahilan kaya tumataas din ang presyo sa mga pamilihan.
Binantaan pa ng pangulo ang hindi susunod sa kanyang kautusan na ipapakain niya sa mga mangungotong ang mga produkto na kanilang kinukulimbat sa mga negosyante.
Ulat ni Vic Somintac