DENR lumagda ng kasunduan para sa rehabilitasyon ng Marikina River
Lumagda ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng isang limang taong kasunduan sa Government Service Insurance System (GSIS) at sa tatlo pang mga pribadong kompanya, para sa rehabilitasyon ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL).
Ang proyekto ay gagawin sa ilalim ng Expanded National Greening Program (ENGP) ng gobyerno.
Sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan noong March 28, ang GSIS, D.M. Consunji Inc. (DMCI), Toyota-Oben Group of Dealers (TOGD) at Meralco Industrial Engineering Services Corp. (MIESCOR), ay makakatuwang ng DENR Calabarzon office sa rehabilitasyon ng 70 ektarya sa UMRBPL.
Sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer for Rizal Ramil Limpiada, na ang ENGP-graduated areas ay “nangangailangan ng tulong mula sa mga institusyon ng gobyerno at pribadong sektor.”
Aniya . . . “These areas were turned over to the DENR by the people’s organizations and local government units after fulfilling their three-year site development contracts to raise tree plantations.”
Ang apat na lugar na sakop ng kasunduan ay nasa Sitio San Ysiro, Barangay San Jose sa Antipolo City, na una nang inilaan ng DENR para sa “Adopt-a-Site” program sa ilalim ng isang public-private-partnership scheme.
Inilunsad noong 2011 sa pamamagitan ng Executive Order 26, ang anim na taong National Greening Program ay naglalayong muling tamnan ang 1.5 milyong ektarya ng hubad na gubat. Pinalawig ito hanggang 2028 sa ilalim ng EO 193 na ngayon ay kilala na sa tawag na ENGP, para sa pagpapatuloy ng reforestation efforts sa mga natitira pang nasirang mga kagubatan sa bansa.
Nangako ang GSIS na magbibigay ng pondo para sa pagmamantini at proteksiyon ng 56 na ektarya na nasa loob ng 1,000-hectare NGP tree plantation, habang ang sa MIESCOR ay ang isang ektarya na nasa loob ng 1,000-hectare ENGP plantation site.
Sa DMCI at TOGD naman ang sampu at tatlong ektarya, na nasa loob ng isang 250-hectare NGP graduated site.
Ang partners ng DENR ay nangako ng paunang P3.1 million, kung saan ang P2.01 million ay manggagaling sa GSIS.