DENR pinagpaliwanag ng Senado sa mga reclamation projects sa Manila Bay
Binusisi ng mga Senador ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pag-apruba ng mga reclamation projects sa Manila Bay.
Sa pagdinig ng Senado sa isyu ng malawakang pagbaha, kinastigo ni Senador Cynthia Villar ang DENR dahil maging ang Las Piñas ay hindi nakaligtas sa malawakang pagbaha dahil binarahan ang mga ilog na palabas sa Manila Bay bunsod ng reclamation project.
Paliwanag ng mambabatas, nangyayari pa rin ang pagbaha sa Las Piñas kahit gumawa na sila ng 40-kilometer river drive kung saan nilakihan ang mga kanal at nilinis ang mga basura sa daluyan ng tubig para solusyunan ang pagbaha.
Kinuwestiyon ni Villar kung saan na dadaan ang tubig kung barado na ang papuntang Manila Bay?
Naglabas naman ng galit at sama ng loob ang iba pang mambabatas sa nangyaring pagbaha noong nakaraang linggo lalo na sa Metro Manila, Pampanga, at Bulacan.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na humupa na ang ulan at baha sa ilang lugar, pero ang maraming bayan sa Bulacan ay nananatiling lubog sa baha.
Tinanong ng mambabatas kung ano ang long-term solution ng gobyerno dahil wala silang nakikitang master plan para resolbahin ang baha na lumala pa kahit binuhusan ng pondo ng Kongreso ang mga flood control projects
Si Senador Imee Marcos hinanap ang mga opisyal at kinatawan ng MVP Group para ipaliwanag sa nangyaring matinding traffic sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa baha.
Malaking perwisyo aniya para sa mga motorista at negosyo ang nangyari na inabot ng siyam hanggang sampung oras sa kanilang byahe dahil sa kabagalan ng aksyon ng pamunuan ng NLEX.
“Napakahina naman ng response! Nalilito na kami!… It’s not enough to be simply resilient but Filipinos need to be buoyant. Tanggap na ba natin na tayo ay babahain at malulunod tayo lahat?” sentimyento pa ni Sen. Marcos.
Giit naman ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Chairman ng Senate Committee on Public Works, na paulit-ulit na ang pagbaha, pero kwestyon kung bakit walang aksyon ang mga ahensya ng gobyerno na inatasan para ditto.
“Nagpupuyos na ang aking poot… sa tila isang vicious cycle na sa loob ng napakaraming dekada, ay patuloy pa ring nagpapahirap sa mga Pilipino. There seems to be no sense of urgency,” pahayag pa ni Sen. Revilla
Meanne Corvera