DENR, pinalalatag ng guidelines sa wastong pagtatapon ng mga medical waste
Pinaglalatag ng mga Senador ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng panuntunan sa tamang pagtatapon at kung saan dadalhin ang mga medical waste na dala ng Covid-19 Pandemic.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino na nakababahala ang gabundok na basura mula sa mga facemask, faceshield, PPE, at mga karayom na ginamit panlaban sa virus infection.
May ilang local government units aniya na hindi maayos na naitatapon ang mga basura mula sa mga vaccination site gaya ng syringes at tinatayang 200 milyong vials ng Covid-19 vaccine.
Kalimitan rin aniyang nahahalo sa mga regular na basura ang mga medical waste na mapanganib sa kalusugan.
Inirekomenda naman ni Senador Cynthia Villar, napag-aralan din ng DENR kung maaaring ipaubaya na sa mga Barangay ang pagkakaroon ng sarili nilang treatment facility para sa mga medical waste sa halip na ipahakot pa ang mga ito sa mga basurero.
Samantala, sinabi naman ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na ang ilang nakokolektang medical waste ay tini-treat na sa mga site pa lamang habang ang iba ay dinadala sa kanilang mga treatment facility para hindi na kumalat kung may dala man itong virus.
Sine-segregate na rin aniya ang basura sa lugar pa lamang na pinagmulan nito.