Dental Alert Sa Mga Bata
Napili kong maging paksa sa araw na ito ang ukol sa mga babala kung may problema na sa ngipin ang inyong anak, o ang kanyang oral health.
Maaari namang gawan ng paraan o magamot na, kung ang isang bata ay nagbibigay ng dental alert.
Ang isang bata na nakukuba o nagiging hukot na dati naman ay hindi, isa na itong babala, isang warning na may problema sa panga ng bata.
Kapag ang baba ay nakaatras, walang tukod ang ulo, kaya ang tendency, ang bata ay makuba o maging hukot. Tingnan po ninyo ang baba ng bata, kapag napansin na ito ay papasok, may kinalaman ito sa pagkakuba, ibig sabihin, ang baba ay hindi nakasentro sa ulo. At kapag nakukuba, apektado ang kalusugan ng bata.
Eto pa, ang isang bata na laging nabibilaukan, o sa madalas na pagkakataon ay mahirap na painumin at pakainin dahil nabibilaukan. At kapag kumakain kailangang may sabaw para hindi mahirinan.
May mga bata na tamad na ngumuya, at maraming magulang ipinagwawalang-bahala lamang ito, ang akala ay okay lang ito, may oral problem na pala.
Sa mga magulang, mag-obserba po tayo, tingnan po ninyo ang gilingan ng bata, kung bakit di siya makanguya? Baka naman pudpod na ang ngipin.
Ang mga batang humihilik, at nagto-tooth grinding, akala natin ay okay lang, hindi natin alam na may dental problem na pala.
Marami pong medical problems na idinudulot ang ngipin, tulad ng eye twitching.
Sana ay makatulong ang paksa natin ngayon. Alam n’yo na ang mga senyales kung may dental problem ang inyong anak. At kapag naobserbahan ito sa kanila, huwag pong ipagwalang-bahala. Sumangguni o magpakonsulta sa isang functional dentist.