Department of Water Resources tugon sa magulong water management ng bansa – Salceda
Napapanahon na para pagtibayin ng Kongreso ang panukalang batas na lilikha ng Department of Water Resources (DWR). Lumusot na sa plenaryo ng Kamara de Representante ang panukala at ang bola ay nasa kamay na ng Senado.
Sinabi ni Albay Congressman Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means na sa pamamagitan ng Department of Water Resources (DWS) ay maisasa-ayos ang magulong water management sa bansa.
Paliwanag ng kongresista, sa kasalukuyan ay magkakahiwalay na pinangangasiwaan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang water management.
Kabilang sa mga ahensyang ito ang Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), Department of Public Works and Highways (DPWH), National Water Resources Board (NWRB), at Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS).
Niliwanag ni Salceda na ang sandaling mapagtibay, ang Department of Water Sources na ang direktang mananagot sa water management ng bansa. Magkakaroon din ito ng regulatory power sa pamamagitan ng Water Regulatory Commission (WRC) na siyang magtatakda ng singil ng tubig mula sa mga consumers. Idinagdag pa ni Salceda na anumang problema at kapalpakan sa water management sa bansa ay pananagutan na ng Department of Water Resources.
Vic Somintac