DepEd, inatasan ang LGU na tanggalin ang mga isolation facility sa mga eskwelahan
Inatasan na ng Department of Education ang local government officials na tanggalin ang mga isolation facility sa lahat ng mga eskwelahan sa buong bansa.
Ayon sa DepEd ito ay para magamit ang mga classroom sa pagbubukas ng klase at inaasahang face to face classes.
Sinabi pa ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa ginagawa nila ang lahat ng paraan para tuluyang makabalik sa eskwelahan ang mga bata.
Kasama sa kanilang aksyon ngayon ang pagre-realign at pagpapatigil muna sa mga hindi pa kinakailangang proyekto para magkaroon ng sapat na pondo.
Nakipag-ugnayan na raw sila sa lahat ng sektor mga magulang at mga pribadong kumpanya para makatulong sa pagbabalik-eskwela ng mga bata.
Tiniyak naman ng DepEd na may sapat na suplay ng tubig sa mga pampublikong eskwelahan oras na tumaas ang demand nito bilang bahagi ng health protocol laban sa COVID-19.
Inulit din ng DepEd ang apila sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak para makaiwas sa malalang sakit.
Meanne Corvera