DepEd ipinagdiwang ang National Teachers’ Month; dagdag na sahod sa mga guro at pag-doble sa budget education, inihirit
Sinimulan na ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month na may temang “Gurong Pilipino, Dangal ng Sambayanang Pilipino.”
Ayon sa DepEd, layunin nito na pasalamatan at bigyang pugay ang kadakilaan at dedikasyon ng mga guro para tulungan ang kabataang Pinoy na maabot ang kanilang pangarap.
Pinangunahan ng School Division ng Davao del Norte ang kick off celebration.
Magtatapos sa Oktubre 5 ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month na National Teachers’ Day at World Teachers’ Day.
Kasabay ng selebrasyon, nag-protesta ang ilang grupo ng public school teachers para humirit ng dagdag sahod at doblehin ang budget ng edukasyon para sa susunod na taon.
Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na para makarekober ang edukasyon mula sa krisis sa pag-aaral ay dapat na maiangat ang kondisyon ng mga guro.
Hindi anila sasapat ang pondo sa edukasyon para mapunan ang mga kakulangan ng guro, silid-aralan at iba pang kagamitan.
Nais ng grupo na i-upgrade ng Marcos Administration sa Salary Grade 15 ang sahod ng Teacher 1, Salary Grade 16 para sa Instructor 1 habang livable national minimum wage para sa Salary Grade 1 na kawani at non teaching personnel sa mga pribadong eskuwelahan.
Hiniling din ng mga guro na mabigyan ng P10,000 cash allowance kada taon ang mga guro at laptop, at P1,500 na monthly internet allowance.
Hinimok ng mga guro si PBBM na ipatupad ang mga nasabing panukala at ang pangako nito sa kaniyang kampanya na bibigyan niya ng pansin ang kapakanan ng mga guro at edukasyon alang-alang sa mga mag-aaral.
Sinabi naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na batid niya ang hirap at sakripisyo ng mga guro sa pagganap ng kanilang responsibilidad.
Tiniyak din ni Duterte na tutugunan ng DepEd ang mga problema na kinakaharap ng sektor ng edukasyon at mga guro.
Moira Encina