DepEd may kumpanyang pinaboran sa pagbili ng overpriced laptops ayon kay Senador Estrada
Ibinunyag ni Senador Jinggoy Estrada na aabot sa anim na bilyong pisong halaga ng mga kontrata ang nakuha ng ilang kumpanyang umano’y pinaboran ng Department of Education.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sinabi ni Estrada na batay sa kaniyang mga nakuhang dokumento, ang kumpanyang Advance Solutions Incorporated ang mas madalas na nabibigyan ng pabor sa IT equipment ng DepEed mula pa noong 2015.
Tila may favoritism aniya ang mga opisyal ng DepEd na dapat na red flag na pero nakapagtatakang walang ginawang imbestigasyon lalo na ang Commission on Audit.
Kinumpirma ni DepEd Director Abram Abanil ng ICT Department na ilang beses na napaboran ang kumpanya .
Pero wala raw siyang ideya kung magkano ang kabuuang halaga ng kontrata dahil hindi pa siya ang opisyal noong 2015.
Nang tanungin ni Estrada ang COA bakit hindi nag- imbestiga, maaari pa naman raw itong balikan at busisiin.
Inatasan ni Estrada ang COA na magsumite ng report hinggil dito.
Nauna nang ibinunyag ng Senador na bukod sa Advance Solutions, apat na kumpanya ang madalas na napapaboran ng DepEd sa kanilang mga kontrata.
Kinabibilangan ito ng Columbia technologies, inc., Reddot Imaging Philippines, inc., Techguru inc. at Girltekki inc.,
Pagtiyak ng Chairman ng blue ribbon committee na si Senador Francis Tolentino may mga mananagot sa maanomalyang transaksyon sa deped.
Meanne Corvera