DepEd nakatanggap ng 100 school-in-a-bag kits mula sa USAID
Nai-turnover na ng U.S. Agency for International Development (USAID) sa Department of Education (DepEd) ang 100 school-in-a-bag kits na nagkakahalaga ng Php10.4 milyon.
Sinabi ng US Embassy na bahagi ito ng nagpapatuloy na suporta ng Amerika para mapalakas ang early grade reading sa bansa.
Ang bawat kit ay naglalaman ng laptop computer, sampung tablets na may tig-isang terabyte ng memory at pocket Wi-Fi may preloaded ng Php500 na halaga ng internet access.
Ipamamahagi ng DepEd ang mga kits sa piling paaralan sa Bicol, Western Visayas, Maguindanao, Cotabato Special Geographic Area, Cotabato City, at mga eskuwelahan na kasama sa USAID remote learning study.
Ang mga tablets ay lalagyan ng e-resources gaya ng DepEd TV episodes, interactive literacy primers sa mother tongue languages, USAID-supported e-books, at iba pang digital resources.
Moira Encina