Depinisyon ng fully vaccinated, dapat nang baguhin para mas maraming mahikayat magpabakuna – Dr. Herbosa
Pabor si Dr. Ted Herbosa, Special Adviser ng Inter-Agency Task Force Against COVID- 19, na dapat nang baguhin ang depinisyon ng fully vaccinated kontra COVID-19.
Mula sa dating 2 bakuna, dapat ay gawin umanong 3 dose para mapabilang sa nasabing kategorya ng fully vaccinated.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Herbosa na naniniwala siyang makatutulong ito para mapataas ang bilang ng mga nagpapabooster sa bansa.
Sa datos ng DOH, may 71.9 milyong indibidwal na sa bansa ang fully vaccinated na, pero 16.6 milyon pa lang sa kanila ang may booster shot.
Para sa unang 100 araw ng Marcos administration, 23 milyong indibidwal ang target mabigyan ng booster dose ng pamahalaan.
Ayon kay Herbosa, ilan sa dahilan kaya maraming ayaw magpabooster ay dahil naging kampante na ang publiko.
Ito ay dahil nakikita aniya ng mga ito na marami sa mga tinatamaan ng virus ay mild at asymptomatic lamang.
Pero una ng sinabi ng DOH na ang mild na sintomas ng COVID-19 ay sa mga bakunado na laban sa virus.
Madelyn Villar -Mortillo